Sa aking panonood sa aking paboritong himpilan ng telebisyon, na obserbahan ko na sa kasalukuyan may iba't ibang uri ng patalastas na ginagamit ang mga politiko para sila'y makita sa telebisyon sa bawat araw. Mistulang tagapagtanggol ng api, tsuper ng isang maliit na sasakyang pang kalye sa aking bayan, nagbibigay ng pag-asa at hanapbuhay, lingkod bayan na laban sa katiwalian at marami pang iba. Hay nako...malayo pa ang halalan ngunit dama ko na, na ito ay bunsod ng kanilang hangarin na maka sungkit sa pinaka mataas na posisyon ng bansa sa 2010.
Ang mga propagandista ay nag uulat ng mga nagawa at naipaglingkod ng gobyerno sa tao. Kanilang ipinangangalandakan ang trabaho na naibigay, pero hindi naman nabanggit ang nawalan ng trabaho at ang bilang ng walang trabaho sa bayan ko. Ngunit may pag asa pa nga ba ang ating bayang mahal? Sa kasalukuyan milyon ang pilipino na nakikipamayan sa ibang bansa upang maghanapbuhay at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya sa ating bansa.Ang tila baga aandap-andap na pangarap ng isang pinagpala, mapayapa at maunlad na bansa ay hindi imposibleng mapasa atin at maranasan sa ating kapanahunan. Ngayon pa lamang ating kilatising mabuti ang mga nag aalok ng kanilang paglilingkod.
Sa ganang aking sarili lamang...ang isang tunay na lingkod bayan ay hindi masususukat sa nagawa para sa nakinabang na iilan sa halip ang buting nai dulot ay para sa sambayanan. Ang isang tunay na lingkod bayan ay naghahangad ng matapat na paglilingkod para sa kabutihan ng buong sambayanan. Ang isang tunay na lingkod bayan ay may hangad at tiyak na hakbang na gagawin upang maibalik ang puri at dangal ng ating dakilang lahi, higit sa lahat ang isang tunay na lingkod bayan ay may tunay na pagkatakot sa Diyos at ang paglingap na sa mamamayan ay isang paglilingkod na gagawin para sa Diyos at sa karangalan ng Diyos sa ating minamahal na bansa.
Ang hangarin ng aking puso ay mapukaw ang damdamin ng bawat isang nagmamahal sa ating bayang mahal at lupang hinirang na mag ka isa upang ating dili dilihin ang higit na kinakailangan ng ating ating bansa sa nalalapit na panahon at tayo'y magkapit bisig, magkaisa at humabi ng isang pahina ng kasaysayan na mag aangat sa lugmok na kalagayan ng ating bansa.
MAY PAG ASA-PA...BANGON PILIPINAS!!!